Panibagong insidente ng pangha-harass mula sa Chinese Coast Guard (CCG) sa mga barko ng Pilipinas ang naitala ngayong araw, July 24, sa Bajo de Masinloc.

Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, muling binomba ng tubig at nagsagawa ng delikadong pagmaniobra ang CCG sa mga barko ng PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Nangyari ito sa kalagitnaan ng isinasagawang paghahatid ng krudo at iba pang supply para sa mga Pilipinong mangingisda.

Bago mag alas-6:30 ng umaga nang bombahin ng tubig ng CCG vessel 3107 ang BRP Cape San Agustin habang nagpapatrolya matapos bantayan ng anim na barko ng CCG at ilang Chinese Maritime Militia vessels.

Naulit pa ito makalipas ang isang oras kung saan ang CCG vessel 21581 ang bumomba ng tubig sa BRP Datu Paduhinog at lumapit pa umano sa layong pitong metro lamang at bombahin ulit ng tubig nang dalawang beses pa.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa kay Tarriela, namataan din ang isang Chinese Maritime Militia vessel na humihila ng lubid sa likuran ng BRP Datu Sumakwel habang binomba rin ng tubig ng CCG vessel 3303 ang BRP Datu Cabaylo bago mag-alas nuwebe ngayong umaga.

Ligtas naman ang mga tauhan ng PCG at BFAR at naipagpatuloy pa rin ang paghahatid ng supply para sa mga Pilipinong mangingisda.