Posibleng nakalimutan at hindi sinadyang iniwan ng may-ari ang bag na naging sanhi ng bomb scare sa Tuguegarao City Commercial Center, kagabi.
Sa panayam ng Bombo Radyo, pinawi ni Market Administrator Ret. Col Dingkoy Cuntapay ang pangamba ng publiko na walang bomb threat dahil negatibo naman ang kahina-hinalang yellow bag sa bomba na iniwan sa ilalim ng upuan sa naturang mall.
Gayonman, sa pagresponde ng pulisya kasama ang K-9 unit ay nakita sa loob ng bag ang mga hinihinalang sangkap sa paggawa ng pampasabog bagamat ito ay isasailalim pa sa eksaminasyon.
Subalit, sinabi ni Cuntapay na pawang mga gamit lamang sa pagmimina at pagdidinamita sa mga bato sa road widening ang nakitang laman ng bag tulad ng 4 baterya na walang wire, 6 PVC pipe at 63 sachet ng maliliit na rock samples na may nakasulat na pangalan at date.
Naniniwala si Cuntapay na nakalimutan lamang ng may-ari ang bag kung kaya walang dapat ikatakot.
Samantala, ipinasakamay na sa tanggapan ng Explosives and Ordinance Disposal (EOD) Unit sa Police Regional Office II ang naturang bag habang inaalam pa ang may-ari nito kung saan may dalawang pangalang nakasulat sa papel, kasama ang adress nito.