Nanawagan si bagong halal na Senate President na si Sherwin Gatchalian sa kanyang mga kasamahan sa mayorya at minorya na magsimulang muli at magkaisa sa paglilingkod matapos ang ilang linggong deadlock sa Senado.

Sa kanyang talumpati sa espesyal na sesyon, sinabi ni Gatchalian na bagama’t magkakaiba ang pananaw ng mga senador, iisa pa rin ang kanilang misyon na ipagtanggol ang batas at pangalagaan ang kapakanan ng mamamayan. Nangako rin siyang gagampanan ang kanyang tungkulin nang may paggalang, sipag, katapatan, at buong pananagutan sa Senado, sa Saligang Batas, at sa sambayanang Pilipino.

Samantala, kinilala ng ilang miyembro ng bagong minority bloc ang kanyang pagkakahalal. Binati siya ni Loren Legarda, habang sinabi nina Imee Marcos at Pia Cayetano na wala silang pagtutol sa pagpapalit ng liderato basta’t nakamit ng mayorya ang kinakailangang 13 boto alinsunod sa Konstitusyon at mga tuntunin ng Senado.

Inihayag din ni Legarda na si Alan Peter Cayetano ang magsisilbing Minority Floor Leader habang nakabinbin sa Korte Suprema ang petisyong kumukuwestiyon sa bisa ng sesyon noong Hunyo 3. Nauna nang kinilala ni Cayetano na may sapat na bilang ang mayorya upang maisulong ang pagbabago sa liderato ng Senado.