Tuguegarao City- Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang mga otoridad kaugnay sa pagsira ng grupo ng Henry Abraham Command Cagayan sa ginagawang CR ng CAFGU detachment sa Brgy. Villa Cielo, Buguey Cagayan.
Sa panayam kay PCAPT. Joel Labasan, hepe ng PNP Buguey, tinatayang aabot sa humigit kumulang 30 fully armed na miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) ang gumawa ng pagsira sa ginagawang pasilidad.
Sinabi pa nito na bagamat walang bakas ng pagsabog sa lugar ay nakarinig ang mga residenteng malapit sa pinangyarihan ng insidente ng tatlong magkakasunod na putok ng baril.
Nakasulat pa sa pader ng sinirang pasilidad ang pagtutol ng mga miyembro ng CTG sa pagtatayo ng kampo ng mga militar sa lugar, pagsulong sa digmaang bayan at iba pa.
Samantala, nabatid na 50 metro ang layo ng gingawang detatchment sa kabahayan habang wala namang naiulat na nasaktan sa nasabing pagpapaputok.