Hindi pa makumpirma ng Bureau of Fire Protection kung ang napabayaang siga ang sanhi ng pagkasunog ng limang sasakyan, talyer at kusina ng isang bahay sa Brgy Belanse, Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya.

Ayon kay SFO3 Rodrigo Ruiz ng BFP- Dupax Del Norte na isa sa tinitignang anggulo ang sinindihang kusot na ginamit bilang pampausok para maitaboy ang lamok sa likurang bahagi ng kusina ng bahay ng biktimang si Jordan Ignas, 43-anyos.

Iniwan umano ito ng byenan ni Ignas na nakasindi dakong alas- 7:00 ng gabi hanggang sa nagising na lamang ang biktima na malaki na ang sunog sa kanyang talyer bandang alas 10:00 ng gabi.

Sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula ang sunog sa kusina at mabilis na kumalat ang apoy sa katabing talyer kung saan kasamang nasunog ang mga kagamitan sa shop at ang kinukumpuning tatlong owner type jeep at dalawang pick-up kung saan dalawa rito ay hindi na mapapakinabangan pa.

Umabot lamang sa unang alarma ang sunog na idineklarang fireout bandang alas 11:53 nang gabi habang tinatayang aabot sa mahigit isang milyong pisong halaga ang napinsala.

-- ADVERTISEMENT --

Wala namang naiulat na nasugatan o nasawi sa insidente habang patuloy na inaalam ang pinagmulan at ang kabuuang halaga ng ari-arian na tinupok ng apoy.