
Nakapagtala ang Globe Telecom Inc. ng 9% pagtaas sa core net income nito sa unang quarter ng 2026, na umabot sa P4.9 bilyon.
Ayon sa kumpanya, pangunahing dahilan ng pagtaas ang patuloy na paglago ng data at fiber businesses nito.
Gayunman, bumaba ng 20% ang net income after tax ng Globe sa P5.6 bilyon dahil sa one-off gains mula sa pagbawas ng stake nito sa Mynt, ang parent company ng GCash, noong 2025.
Umabot naman sa P42 bilyon ang consolidated gross service revenues ng Globe, mas mataas ng 5% kumpara noong nakaraang taon.
Nananatiling pangunahing pinagkukunan ng kita ang mobile business na kumita ng P30 bilyon, habang tumaas naman ng 11% ang mobile data revenues sa P26.8 bilyon.
Nagkaroon din ng 6% growth ang Globe At Home broadband revenues na umabot sa P6.2 bilyon, kung saan 93% nito ay mula sa fiber services.
Samantala, nagtala ng P5.1 bilyong kita ang corporate data business ng kumpanya, na pinangunahan ng cloud, cybersecurity, at business application solutions.
Ayon kay Globe President at CEO Carl Raymond Cruz, magpapatuloy ang pagpapalawak ng kanilang 5G network, fiber infrastructure, at digital platforms sa gitna ng mga hamon sa pandaigdigang ekonomiya.





