Nangako si Interior Secretary Jonvic Remulla na babayaran niya sa pamamagitan ng GCash ang mahigit P28,000 na ginastos ni Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor Harold Respicio sa pagpapa-drug test.

Nauna nang nagpakita si Respicio ng invoice mula sa St. Luke’s Medical Center at nagbiro na dapat siyang i-refund ni Remulla dahil sa mahal ng pagsusuri.

Sa ambush interview ngayong araw kay Remulla, sinabi niyang kukunin niya sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang number ni Respicio upang maipadala ang pera.

Kasunod nito, nag-post naman si Respicio sa Facebook ng kanyang GCash QR code, kasabay ng paniningil ng eksaktong ₱28,011 bilang reimbursement sa drug test.

Kung maaalala, hinamon ni Remulla na magpa-drug test si Respicio matapos kumalat ang video ng pakikipagsigawan nito sa mga barangay captain sa isang sesyon ng Sangguniang Bayan.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ni Remulla na parang ‘nakasinghot’ ang vice mayor batay sa kanyang asta.

Gayunman, nagnegatibo si Respicio sa drug test para sa cocaine, shabu, marijuana at iba pang ipinagbabawal na gamot.