Nanawagan sina Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, Robin Padilla, at Bong Go sa pamahalaan ng Pilipinas na hikayatin ang International Criminal Court (ICC) na payagan ang pansamantalang house arrest para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa inihaing resolusyon, iginiit ng mga kaalyado ni Duterte na lumalala na ang kalagayan ng kalusugan nito dahil sa katandaan, iba’t ibang karamdaman, at pagkahiwalay sa kanyang pamilya habang nakakulong sa Scheveningen Prison sa The Hague, Netherlands.
Binanggit din sa resolusyon na kahit umatras na ang Pilipinas mula sa Rome Statute, may moral na obligasyon pa rin umano ang pamahalaan na ipaglaban ang mas makataong kondisyon para sa dating pangulo.
Ayon kay Senador Alan Peter Cayetano, maaari ring ikonsidera na ilagay si Duterte sa house arrest sa loob ng embahada ng Pilipinas sa Netherlands.
Ayon sa Malacañang, “noted” ang panukalang ito ni Cayetano.
Samantala, sinabi ni Bise Presidente Sara Duterte na halos buto’t balat na ang kanyang ama dahil sa kulungan at may kahilingan umano itong ma-cremate sakaling bawian ng buhay habang nasa kustodiya ng ICC.
Kasalukuyang nahaharap si Duterte sa mga kaso ng crimes against humanity kaugnay ng libo-libong umano’y extrajudicial killings sa ilalim ng kanyang war on drugs.
Nakatakda ang confirmation of charges hearing sa Setyembre 23 habang patuloy ang pagtutok ng kanyang mga abogado sa ebidensyang inilabas ng ICC Office of Prosecution.