Magkasama sa unang pagkakataon sina Gong Ji-cheol, na mas kilala bilang si Gong Yoo, at Song Hye-kyo sa upcoming na serye na pinamagatang “Slowly, Intensely.”
Ayon sa isang kinatawan ng palabas, na idinirek ni Lee Yoon-jung at isinulat ng batikang screenwriter na si Noh Hee-kyung, nagsimula na ang produksyon ng serye nitong linggo.
Si Hye-kyo ay nakatrabaho na ni Hee-kyung sa seryeng “Worlds Within” noong 2008, kung saan kasama niya si Hyun Bin, at limang taon ang nakalipas ay nagsama pa sila sa “That Winter, the Wind Blows.” Samantalang si Gong Yoo naman ay nakatrabaho na si Yoon-jung sa hit series na “Coffee Prince.”
Ayon sa mga ulat, ang serye na may 22 episode ay nagkakahalaga ng 70 bilyong won (humigit-kumulang P2.8 bilyon) at target nilang matapos ang produksyon ngayong taon para ipalabas sa Netflix.
Pareho nang nagtagumpay sa Netflix ang dalawang aktor, si Gong Yoo sa “Squid Game” at si Hye-kyo naman sa “The Glory.”
Kilalang-kilala si Gong Yoo sa mga palabas tulad ng “Train to Busan,” “Guardian: The Lonely and Great God,” “The Silent Sea,” at kamakailan lang sa “The Trunk” na ipinalabas din sa Netflix.
Samantala, bago ang “The Glory,” napanood si Hye-kyo sa mga seryeng “Descendants of the Sun,” “Encounter,” at “Now, We Are Breaking Up.” Aabangan din siya sa pelikulang “Dark Nuns,” ang kanyang unang pelikula sa loob ng sampung taon, mula nang magbida siya sa mga Chinese films na “The Crossing” at “The Queens.”