CTTO: Provincial Government of Apayao, Philippines

Nanawagan si Apayao Governor Eleanor Bulut-Begtang sa publiko kontra diskriminasyon sa pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 at pamilya o kamag-anak nito kaugnay sa kauna-unahang kumpirmadong kaso ng virus sa lalawigan.

Sa kanyang mensahe, nanawagan ang gubernador ng pang-unawa at malasakit sa isat isa at pagdarasal para sa mabilis na paggaling ng mga pasyente ng COVID-19.

Nanawagan din si Begtang ng kooperasyon ng publiko sa isinasagawang contact tracing ng local health authorities sa mga nakasalamuha ng 28-anyos na buntis na duktor at unang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bayan ng Conner.

Ipinaalala rin ni Begtang na sumunod sa mga health protocols o mga alituntuning pang-kalusugan ng Department of Health (DOH).

Matatandaan na una nang sinabi ni Dr Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng Cagayan Valley Medical Center na asymptomatic o walang pinakikitang sintomas sa sakit ang pasyente na nasa maayos na kundisyon.

-- ADVERTISEMENT --

Bagamat nasa pangangalaga ng CVMC ang pasyente, nilinaw ni Dr. Baggao na ito ay kabilang sa datos ng Cordillera Administrative Region (CAR).