Tuguegarao City- Natakdang magpatawag ng pagpupulong si Cagayan Governor Manuel Mamba sa lahat ng alkalde sa lalawigan upang mapag-usapan ang mga alituntuning dapat ipatupad sa General Enhance Community Quarantine ngayong darating na buwan ng Mayo.

Ayon kay Gov. Mamba, kailangang planuhing mabuti ang mga ilalatag na hakbang upang matiyak ang kaligtasan sa buong Cagayan sa gitna ng banta ng COVID-19.

Aniya, hindi dapat na maging kampante lalo pa ngayon at wala ng mga naitatalang positibong kaso ng sakit sa Cagayan.

Giit nito, kailangan pa ring higpitan ang pagpapatupad ng mga batas upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.

Sakali mang maipatupad na ang GCQ ngayong darating na Mayo ay ipag-uutos aniya nito ang mahigpit na hindi pagpapapasok sa mga residente na galing sa ibang lugar lalo na sa mga may positibong kaso ng COVID-19.

-- ADVERTISEMENT --

Sakali naman aniyang may mga OFWs ang magsisidatingan ay sasailalim ang mga ito sa quarantine at iba pang mga pagsusuri upang masigurong ligtas ang lahat.

Sinabi pa ng gobernador na pagkatapos nitong pulungin ang lahat ng alkalde ay maaari ng pag-aralan ng mga ito ang mga ilalatag na plano sa kanilang mga nasasakupang lugar upang maging handa sa implimentasyon nito.

Bagamat magiging magaan ang takbo ng sitwasyon sa ilalim ng GCQ ay kailangan pa rin aniya ang paglalagay ng limitasyon upang makatiyak na ligtas ang lahat mula sa nakakahawang sakit.

Nabatid na maaaring ipatawag sa mga araw ng Lunes o Martes ang lahat ng alkalde sa bawat munisipalidad sa lalawigan ng Cagayan.