
Sinuspinde ng Malacañang ang trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa ilang rehiyon sa Lunes, Nobyembre 10, at ng klase sa lahat ng antas hanggang Martes, Nobyembre 11, dahil sa matinding pananalasa ng Super Typhoon Uwan.
Batay sa memorandum circular na inilabas ng Office of the President, suspendido ang trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan sa National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), Region I (Ilocos Region), Region II (Cagayan Valley), Region III (Central Luzon), Region IV-A (CALABARZON), Region IV-B (MIMAROPA), Region V (Bicol Region), Region VIII (Eastern Visayas).
Suspendido rin ang klase sa lahat ng antas sa mga nasabing rehiyon, pati na rin sa Region VI (Western Visayas), Region VII (Central Visayas), at Negros Island Region mula Lunes hanggang Martes.
Patuloy namang mag-ooperate ang mga ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa kalusugan, kaligtasan, at disaster response upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng pangunahing serbisyo sa publiko.
Pinayagan din ang mga tanggapan ng gobyerno na magpatupad ng alternatibong work arrangements upang mapanatili ang operasyon habang pinangangalagaan ang kaligtasan ng mga kawani.
Samantala, inianunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang suspensyon ng pagpapatupad ng expanded number coding scheme sa Lunes, Nobyembre 10.
Suspendido rin ang trabaho sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, kabilang ang plenary session, bilang pag-iingat sa inaasahang masamang lagay ng panahon.
Patuloy na pinag-iingat ang publiko sa posibleng pagbaha, landslide, at iba pang panganib dulot ng Super Typhoon Uwan, na kasalukuyang nananalasa sa ilang bahagi ng bansa.










