Dinismis ng Sandiganbayan ang kasong graft ni dating Department of Agriculture (DA) Proceso Alcala kaugnay nang umano’y pagpapalabas nito ng permit para sa importasyon ng bawang noong 2012 hanggang 2013.

Ito ay makaraang mabigo ang prosekusyon na patunayan sa mga naipakitang ebidensiya na si Alcala ay gumamit ng kanyang impluwensiya para paboran ang importer ng bawang.

Sa resolusyon ng graft court, ipinaliwanag nitong walang testigong nakapagpatunay na pinaboran ni Alcala ang Philippine VIEVA Group of Companies, Inc na pinamumunuan ng isang Lilia Cruz, isang garlic importer.

Niliwanag ng Sandiganbayan na bagamat si Cruz ay naging bahagi ng National Garlic Action Team (NGAT), hindi naman ito ang nag-iisang importer sa naturang grupo dahil may 19 pang garlic importer at grower ang miyembro nito.

Ayon pa sa graft court, ang NGAT referral ni Alcala sa Bureau of Plant Industry (BPI) ay para lamang sa impormasyon na nararapat lamang na aksyunan at hindi pag-aapruba sa pag-iisyu ng import permit. Hindi rin aniya kasama si Alcala sa listahan ng mga inirerekomendang kasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) noong 2015 hinggil dito.

-- ADVERTISEMENT --

Bunsod nito, kinansela na ng Sandiganbayan ang piyansa ni Alcala at tinanggal na rin ang hold departure order laban dito.