Inutusan umano ni U.S. President Donald Trump ang mga pinuno ng special forces na bumuo ng plano para sa posibleng paglusob sa Greenland.

Batay sa ulat ng UK-based Daily Mail, itinutulak ng ilang policy “hawk” na malapit kay Trump ang mabilis na pagkilos upang maagaw ang Greenland bago pa makagawa ng hakbang ang Russia o China.

Kasunod ito ng matagumpay na operasyon ng militar ng Amerika sa Venezuela noong Enero 3 na nagresulta sa pagkakadakip kay Pangulong Nicolas Maduro at sa kanyang asawa.

Sa ulat, inatasan ni Trump ang Joint Special Operations Command na maghanda ng invasion plan.

Gayunman, tinututulan ito ng Joint Chiefs of Staff na nagsabing labag umano ito sa batas at walang pahintulot ng Kongreso ng US.

-- ADVERTISEMENT --

Noong Biyernes, mariing tinutulan ng mga lider ng iba’t ibang political party sa Greenland ang pahayag ni Trump.

Anila, hindi nila nais na tawa­ging Amerikano o Dane kundi manatiling Greenlander.

Sa isang pagtitipon sa White House, sinabi ni Trump na gagawa sila ng hakbang sa Greenland “sa ayaw man nila o gusto” dahil umano sa banta ng paglawak ng impluwensiya ng Russia at China sa rehiyon.

Dagdag pa niya, nais niyang maresolba ito sa pamamagitan ng kasunduan pero handa rin aniya ang US sa mas matigas na paraan kung kinakaila­ngan.

Samantala, umani ng batikos ang mga pahayag ni Trump mula sa ilang bansa sa Europa, na nagbabala na ang ganitong hakbang ay maaaring magdulot ng malubhang krisis at posibleng banta sa katatagan ng North Atlantic Treaty Organization.