Nakatakdang magsagawa ng ground breaking ceremony ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa itatayong bagong pasilidad ng Behavioral Medicine sa Brgy. Nangalasauan, Amulung, Cagayan.

Ito ay gaganapin sa ika-9 ng Setyembre ngayong taon bilang bahagi ng pagsasaayos at pagpapaluwang sa mga pasilidad ng CVMC upang makapagbigay pa ng mas magandang serbisyo para sa publiko.

Ayon kay Dr. Cherilou Antonio, Chief Medical Professional Staff ng CVMC, nagkaroon na sila ng coordination meeting kasama si DOH Regional Director Dr. Amelita Panganiban upang mapag-usapan ang mga planong ilalatag sa pagtatayo ng naturang pasilidad na pangangasiwaan ng CVMC.

Saad niya, may lawak ang naturang lupain na isang ektarya at ang itatayong behavioral medicine ay pinondohan ng P50M at sa oras na matapos ito ay dito na ililipat ang mga pasyenteng may mental health condition na ngayon ay nasa Behavioral Medicine Center na nakabase sa Brgy. Carig Sur dito sa lungsod.

Inihgayag ni Antonio na napapanahon na upang ito ay maitayo dahil kinakailangan na ring mabigyan ng mas magandang pasilidad ang kasalukuyang mga pasyente dahil minsan ay nababaha ang kasalukuyang lokasyon ng Behavioral Medicine Center at may mga sira dahil sa pananalasa ng mga bagyo.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa aniya rito na dumadami na rin ang mga espesyalistang nangangalaga sa mga may kondisyon sa pag-iisip at sa pamamagitan nito ay mas matututukan sila at mas mapapabilis ang kanilang recovery.

Inihayag niya na sa oras na maitayo na nila ang naturang pasilidad ay agad naman nilang ipapanukala ang pagtatayo din ng Heart, Eyes, and Lung Specialty center sa kaparehong lokasyon.

Maalalang kabilang sa mga mandato ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ma-regionalized na ang mga specialty centers sa kalakhang maynila upang mailapit ang serbisyong pagkalusugan sa publiko.

Nabatid na nakatakda namang daluhan ni DOH Sec. Ted Herbosa ang ground breaking ceremony ng naturang pasilidad.