Nakatakdang magsagawa ng ground breaking ceremony bukas, May 24, 2021 para sa itatayong tatlong proyekto sa Barangay Babalag East, Rizal, Kalinga.
Kinabibilangan ito ng pagtatayo ng Water System sa Purok 3 na nagkakahalaga ng P3 milyon, Health Center Building na nagkakahalaga ng P2 milyon at rehabilitasyon sa Barroga-Baggas road na nagkakahalaga naman sa P15 milyon.
Ito ay may kabuuang P20 milyon na pondo sa ilalim ng Barangay Development Program (BDP) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ang nasabing halaga ay bahagi ng P16 bilyon budget ng pamahalaan para sa 822 na mga barangay sa bansa na naideklarang malaya mula sa impluwensiya ng communist-terrorist groups (CTG).
Isa lamang ang barangay Babalag East sa walong barangay sa Cordillera Administrative Region na maswerteng makakatanggap ng nasabing pondo.
Inaasahang pangungunahan nina NTF-ELCAC Vice-Chairperson Secretary Hermogenes Esperon Jr., Secretary William Dar ng Department of Agriculture (DA), Undersecretary Marlo Iringan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang gagawing ground breaking ceremony na dadaluhan ng iba pang mga opisyal.