Nanawagan ang bagong alyansa ng iba’t ibang sektor sa pamahalaan na huwag ituloy ang planong Pax Silica Industrial Hub sa New Clark City, Tarlac, nitong Agosto 31 na ginanap sa Mary Hill School of Theology sa Quezon City.

Kabilang sa No To Pax Silica Network ang mga kinatawan mula sa civil society, religious groups, academe, environmental advocates, magsasaka, estudyante at mga katutubong komunidad.

Pangunahing tinututulan ng grupo ang sinasabing posibleng epekto ng proyekto sa kalikasan, kabuhayan, lupang ninuno at pambansang soberanya.

Ayon sa ilang kinatawan ng Aeta community sa Capas, nangangamba silang maapektuhan ang kanilang komunidad at mga lugar na itinuturing nilang sagrado, kabilang ang kanilang burial ground at iba pang bahagi ng kanilang ancestral area.

Samantala, iniuugnay naman ng Bagong Alyansang Makabayan ang proyekto sa lumalalim na kompetisyon ng Estados Unidos at China sa advanced technology.

-- ADVERTISEMENT --

Ang Pax Silica ay bahagi ng isang international initiative na naglalayong palakasin ang cooperation at supply chains para sa mahahalagang teknolohiya.

Sa kabilang banda, matatandaan na iginiit ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na may potensyal ang proyekto na magdala ng investments at makalikha ng mahigit 130,000 high-quality jobs.

Tiniyak din ng ahensya na hindi nito inaasahang magkakaroon ng displacement at kailangang sumunod ang proyekto sa mga environmental requirements ng pamahalaan.

Samantala, magsasagawa pa ng public education at community consultations ang No To Pax Silica Network bilang bahagi ng kanilang kampanya.

Inaasahang mapipirmahan ang framework agreement para sa proyekto sa Nobyembre.