Kinuwestiyon ng grupong Kapatid ang umano’y paggamit ng isang “ghost witness” sa kasong illegal possession of firearms and explosives laban kina Vicente Ladlad, Alberto Villamor, at Virginia Villamor na dinidinig sa Quezon City Regional Trial Court Branch 93.

Ayon kay Kapatid Spokesperson Fides Lim, ihaharap ng depensa ang isang barangay secretary at dating homeowners association president upang patunayang walang rekord ng umano’y police informant na naging batayan sa pagkuha ng search warrant. Iginiit din niyang nakabatay umano ang kaso sa maling impormasyon kaya dapat itong ibasura.

Naaresto sina Ladlad at mag-asawang Villamor noong Nobyembre 2018 matapos makumpiskahan umano ng mga baril at pampasabog sa kanilang bahay sa Novaliches, Quezon City. Mariin nilang itinanggi ang mga paratang at iginiit na itinanim lamang ang ebidensya laban sa kanila.