
Tinuligsa ng environmental group na Oceana ang plano ng pamahalaan na isulong ang waste-to-energy bilang paraan upang matugunan ang lumalalang problema sa basura sa bansa.
Kasunod ito ng pahayag ni President Ferdinand Marcos Jr. na itutulak ng gobyerno ang pagtatayo ng waste-to-energy plants upang hindi na kailangang dalhin sa mga landfill ang nakokolektang basura at mabawasan ang hauling costs ng mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay Oceana Vice President Von Hernandez, hindi waste-to-energy ang solusyon sa problema kundi dapat tugunan ang pinagmumulan ng basura, partikular ang patuloy na paggamit ng single-use plastics gaya ng sachets, styrofoam at plastic bags.
Sinabi naman ni Aksyon Klima Pilipinas national coordinator JL Algo na may masamang epekto ang waste-to-energy facilities sa kapaligiran at mga komunidad, habang iginiit ni Greenpeace Philippines campaigner Jefferson Chua na isa ito sa mga false solution na maaaring makapagpaantala sa paglipat sa renewable energy.
Samantala, nasa 300 tonelada ng basura ang naalis mula sa Baclaran estero sa Parañaque City matapos ang walang tigil na pag-ulan.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, malinaw na nagpapakita ito ng malubhang problema sa pamamahala ng basura sa bansa.








