Nagtakda ang Government Service Insurance System (GSIS) ng mga petsa para sa aplikasyon ng Emergency Loan para sa mga miyembro at pensioner na nakatira o nagtatrabaho sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity dahil sa Habagat at mga nagdaang bagyo.

Maaaring mag-apply ang mga kwalipikadong miyembro at pensioner gamit ang GSIS Touch app, ayon sa GSIS.

Para sa mga may dati nang emergency loan, maaari silang makahiram ng hanggang ₱40,000 na gagamitin muna para mabayaran ang kanilang natitirang balanse sa emergency loan, habang ang sobrang halaga ay ilalabas sa borrower.

Samantala, maaaring makahiram ng hanggang ₱20,000 ang mga kwalipikadong walang kasalukuyang emergency loan.

May 6% interest rate kada taon ang GSIS Emergency Loan at maaari itong bayaran sa loob ng tatlong taon.

-- ADVERTISEMENT --

Inihayag ang programa habang patuloy na bumabangon ang mga residenteng naapektuhan ng matinding pagbaha dulot ng Habagat at mga bagyong Luis at Maymay. Maraming lugar ang isinailalim sa state of calamity matapos lumubog sa baha ang mga kabahayan at mapilitang lumikas ang mga residente.

Batay sa ulat ng Office of Civil Defense hanggang alas-6 ng umaga nitong Huwebes, umabot na sa 29 ang naiulat na nasawi dahil sa pinagsamang epekto ng mga bagyo at Habagat.