Umaabot na sa average na 150% ang bed occupancy rate sa mga ospital ng Department of Health (DOH) kasunod ng pagpapatupad ng zero balance billing policy, habang nasa 10,000 pa ang bakanteng posisyon para sa mga health worker.

Inilahad ito ni Senate President Pro Tempore Tito Sotto sa pagtalakay sa panukalang budget ng DOH sa Senado, matapos tanungin kung gaano kalaki ang naging pagdami ng mga pasyente sa mga pampublikong ospital dahil sa naturang polisiya.

Ayon kay Senator JV Ejercito, na sponsor ng panukalang pondo ng DOH, nasa 4.2 milyon na pasyente ang nakinabang sa zero balance billing sa mga ospital ng kagawaran.

Sa ilalim ng polisiya, hindi na kailangang maglabas ng sariling pera ang mga miyembro ng PhilHealth na naka-confine sa basic o ward accommodation para sa mga serbisyong saklaw ng kanilang benepisyo.

Dahil sa pagsisikip ng mga ospital, humihingi ang DOH ng tulong sa Senado upang mapalakas ang kapasidad ng mga provincial at local government unit hospitals at mabawasan ang dami ng pasyente sa mga pasilidad nito.

-- ADVERTISEMENT --

Nakikipag-ugnayan din ang kagawaran sa mga pribadong ospital upang maglaan ng 10% ng kanilang mga kama para sa zero balance billing.

Samantala, sinabi ni Ejercito na umaabot sa 10,000 ang kinakailangang health worker positions sa mga ospital ng DOH, kabilang ang mga doktor, nurse at iba pang medical personnel.

Bilang tugon, pinag-aaralan ng DOH ang pagpapalawak ng career advancement program para sa mga health worker at pakikipagtulungan sa mga state universities and colleges para sa karagdagang scholarship na may kasunduang return service.

Ayusin ang headline at leadLinawin ang sanhi ng siksikan