Ang pagkakakulong sa mga bilangguan ay hindi isang bakasyon.

Karamihan sa mga nakakulong ay dahil sa may ginawa silang krimen o paglabag sa batas.

May mga insidente din ng mga pagtakas o tangkang pagtakas ng mga bilanggo, ang resulta ay dagdag na taon ng pagkakabilanggo kung ikaw ay mahuhuli.

Upang mabawasan kung hindi man ganap na masawata ang mga pagtakas ng mga preso, karamihan sa mga penintentiaries ay may guard tower, guard dogs at razor blade wire sa taas ng mga bakod.

Subalit, kakaiba naman ang ginagawa sa isang kulungan sa Brazil upang magdalawang-isip ang mga preso na tumakas.

-- ADVERTISEMENT --

Pinalitan nila ng mga gansa ang kanilang guard dogs.

Ang mga gansa ay mahigit 10 taon nang bahagi ng Sao Pedro de Alcantara Penintentiary.

Nirerespeto sila bilang ka-trabaho ng prison guards.

Sinabi ni Marcos Coronetti, isang prison officer, sa panahon ng kanyang pananatili sa pasilidad, wala pang tumatakas na preso at kung mayroon mang magtatangka, malalaman nila ito dahil sa mag-iingay ang mga gansa.

Ang Sao Pedro de Alcantra Penitentiary ang nag-iisang bilangguan sa buong bansa na gumagamit ng mga gansa sa halip na mga aso upang mapigilan ang pagtakas ng mga preso.

Napag-alaman kasi ng nasabing pasilidad na mas mura ang pag-aalaga sa mga gansa kumpara sa mga guard dogs.

Hindi rin umano kailangan na turuan pa ang mga gansa ng mga alert barks upang malaman kung may nagtatangka na tumakas.

Gayunpaman, hindi naman umaasa lamang ang bilangguan sa mga sentinel geese, dahil mayroon pa rin silang cameras, mga guwardiya at iba pang mekanismo para makatulong sa pagpapanatili ng prison population, ngunit hindi tulad ng mga tao, ang mga gansa ay hindi nagpapahinga o sila ay 24 oras na nakaalerto.

Ang mga gansa ay territorial in nature at laging vigilant, at kung makakakita sila ng mga tao, malakas ang kanilang pag-iingay.

Kahit pa araw-araw kang nakikita ng mga gansa, hindi pa rin sila titigil sa pagputak.