
Pinaputukan ng isang armadong lalaki ang mga pulis na nakatalaga sa labas ng isang synagogue sa Belleville, Ontario, Canada habang nagsisimula ang pagdiriwang ng Yom Kippur, ang pinakamahalagang araw sa kalendaryong Hudyo.
Ayon sa Ontario Special Investigations Unit, dumating ang 29-anyos na suspek malapit sa Sons of Jacob congregation at agad na nagpaputok sa isang pulis na nakabantay sa lugar.
Gumanti ng putok ang ilang pulis at umabot sa dose-dosenang bala ang pinakawalan. Nagtamo ng life-threatening injuries ang gunman at isinugod sa ospital, habang kritikal ngunit stable naman ang kondisyon ng isang pulis.
Hindi pa tinukoy ng mga awtoridad ang motibo ng suspek o kung mayroon itong kaugnayan sa anumang extremist group.
Hindi rin direktang kinumpirma ng pulisya na synagogue ang target ng pag-atake, ngunit sinabi ng imbestigador na si Kristy Dennette na ipinahihiwatig ng mga pangyayari na posibleng iyon ang pakay ng gunman.
Dahil sa insidente, isinailalim sa lockdown ang synagogue at hindi nakapagsagawa ng Yom Kippur services ang Jewish community sa Belleville.









