Dead on the spot ang isang guro matapos magtamo ng matinding pinsala sa katawan ng tumilapon mula sa sinakyang motorsiklo matapos na bumangga sa nakawalang kalabaw sa Brgy. Nasiping Gattaran, Cagayan.

Kinilala ang nasawing biktima na si Cherie Mae Gaspar, back rider habang ang driver ng motorsiklo na si Jade Efraim Cristobal ay nagtamo ng sugat sa katawan at nagpapagaling na sa ospital.

Sa panayam kay PLT Lorie Ann Enriquez, Deputy Chief of Police ng Gattaran PNP, alas dose na ng madaling araw ng Sept 10 ng binabaybay ng dalawang biktima ang kahabaan ng lansangan galing sa lungsod ng Tuguegarao.

Dahil madilim ang lugar ay hindi aniya napansin ng driver ang biglaang pagtawid ng nakawalang kalabaw at dahil sa lakas ng impak ng pagkakabangga ay tumilapon ang dalawang biktima.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa salaysay ng mga kaanak ng mga biktima, galing sa kanyang klase sa lungsod ng Tuguegarao ang guro at natagalan sila sa pag-uwi dahil kinailangan muna nilang patilain ang malakas na ulan kamakalawa.

Sa ngayon ay patuloy namang hinahanap ng pulisya kung sino ang nagmamay-ari ng nakawalang kalabaw upang makahingi ng pinansyal na tulong ang mga biktima para sa kanilang gastusin at para sa kaukulang disposisyon.