Binawi ni dating sundalo at dating security aide ni Zaldy Co na si Orly Guteza ang nauna niyang pahayag na naghahatid siya umano ng mga maleta ng pera kay dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Sa bagong affidavit, sinabi ni Guteza na sina Senator Rodante Marcoleta at dating kongresistang si Mike Defensor umano ang nag-utos sa kanya na gumawa ng mga alegasyon laban kay Romualdez kapalit ng pera at scholarship para sa kaniyang mga anak.

Ayon kay Guteza, may inihandang affidavit na umano’y binasa at inayos ni Marcoleta bago ang kaniyang pagharap sa Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 2025.

Sinabi rin niyang napilitan siyang sundin ang mga sinabi sa affidavit dahil sa pangakong tulong pinansyal at edukasyon para sa kaniyang mga anak. Kalaunan, napagtanto umano niyang nagamit lamang siya.

Ang unang pahayag ni Guteza ay kabilang sa mga ebidensiyang sinusuri ng Ombudsman kaugnay ng mga kasong katiwalian laban kay Romualdez. Ayon sa Ombudsman, hinihintay pa nito ang bagong affidavit bago magbigay ng pahayag.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, si Guteza ang ikaapat na dating security aide ni Co na bumawi sa mga nauna nilang pahayag na nag-uugnay kay Romualdez at iba pang personalidad sa umano’y anomalya sa flood control projects.