
Inamin ni dating security aide ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na si Orly Guteza na hindi lamang umano pera kundi takot at pangamba rin ang nagtulak sa kaniya para magbigay ng maling testimonya laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa kaniyang bagong affidavit, sinabi ni Guteza na nagpadala siya sa mga pangako at takot kaya sinabi niyang nasaksihan niya ang mga bagay na hindi naman talaga nangyari, kabilang ang umano’y tatlong delivery ng mga maleta ng pera sa sinasabing bahay ni Romualdez sa Forbes Park.
Mariin ding sinabi ni Guteza na wala siyang naging direktang kontak kay Romualdez at hindi niya ito nakita sa naturang lugar. Ayon sa kaniya, pinagsisisihan niya ang kaniyang naging bahagi sa isyu at nais na lamang niyang mamuhay nang tahimik kasama ang kaniyang pamilya.
Si Guteza ay isa sa mga dating security aide ni Co na unang nag-akusa kay Romualdez kaugnay sa umano’y kickback sa mga proyekto sa flood control, ngunit kalaunan ay binawi ang kaniyang testimonya.
Bukod kay Guteza, apat pang dating security aide ang umatras sa kanilang mga naunang alegasyon laban kay Romualdez at iba pang personalidad. Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa umano’y anomalya sa flood control projects.










