
Patuloy na magdadala ng mga pag-ulan ang Habagat sa Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon at Visayas ngayong Linggo.
Inaasahan ang monsoon rains sa Ilocos Sur, La Union, Abra, Benguet, Zambales, Bataan at Occidental Mindoro. Maaari itong maging katamtaman hanggang malakas at posibleng magdulot ng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa.
Samantala, makararanas ng paminsan-minsang pag-ulan ang Metro Manila, iba pang bahagi ng Ilocos Region at Cordillera Administrative Region, Nueva Vizcaya, Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Rizal, Cavite, Batangas, Oriental Mindoro at Antique.
Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms naman ang inaasahan sa Negros Island Region, Central Visayas, iba pang bahagi ng Luzon, Leyte at Southern Leyte.
Nananatili namang nasa labas ng Philippine Area of Responsibility ang Typhoon Dolphin, na huling namataan 755 kilometro hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes. Taglay nito ang lakas ng hanging 130 kilometro kada oras at pagbugsong umaabot sa 160 kilometro kada oras.
Dalawang tropical depression din ang binabantayan sa labas ng PAR.
Samantala, makakaranas ng malalakas na hangin at maalong karagatan ang extreme Northern Luzon, habang katamtaman hanggang malakas na hangin at maalong dagat ang ilang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao.










