Umaabot sa mahigit P22 milyon ang halaga ng mga agricultural interventions na naipamahagi ng Department of Agriculture (DA) Region 2 sa pamamagitan ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program ngayong taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Efren Reyes Jr., Information Officer ng DA SAAD R02, nasa Phase 2 na ang programang ito at ang mga benepisyaryo ay mga farmers’ cooperative and associations na matatagpuan sa mga 5th at 6th class municipalities.

Ang SAAD ay isang locally funded project na naglalayong magbigay ng karagdagang mga interbensyon sa sektor ng agrikultura at pangingisda, tulad ng mga kinakailangan para sa production ng rice, corn, high-value crops, livestock tulad ng poultry, aquaculture, at maging din sa mga post-harvest interventions.

Ayon kay Reyes, priyoridad ng SAAD ang mga pinakamahihirap na lugar at ang layunin nito ay matulungan ang mga magsasaka na malabanan ang kahirapan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng masaganang ani at mataas na kita.

Nagsimula ang programa sa Region 2 noong 2023 at mayroong limang pilot areas sa mga bayan ng Villaverde sa Nueva Vizcaya, Saguday, Quirino, San Isidro, Isabela, Sta. Praxedes Cagayan, at sa Basco, Batanes.

-- ADVERTISEMENT --

Ngayong taon, lumawak ang saklaw ng SAAD at mayroon nang karagdagang sampung farmers association na nabigyan ng pagkakataon na mapabilang sa programa.

Ang mga asosasyon na ito ay unang beses na nakatanggap ng iba’t ibang agricultural interventions mula sa DA-SAAD habang ang mga pilot areas ay nadagdagan pa ang kanilang natanggap mula sa kanilang mga nakuhang suporta noong nakaraang taon.

Sa kabuuan, umabot sa P22.5 milyon ang halaga ng mga agricultural interventions na naipamahagi mula Oktubre at Nobyembre sa limang probinsya ng Region 2 kung saan kinabibilangan nito ang mga garden tools and equipment, mushroom house, corn seeds, mga baka, tupa at marami pang iba bukod pa sa mga mga paunang pagsasanay na isinagawa sa mga benepisaryo.

Sa Cagayan, umabot sa mahigit P4.9milyon, sa Isabela ay P4.7 milyon, sa Quirino ay P4.6 milyon, sa Nueva Vizcaya ay P5.2M at sa Batanes ay P3 milyon.

Ang mga hakbang na ito ng DA ay patunay sa patuloy na pagsuporta sa sektor ng agrikultura upang matulungan ang mga magsasaka sa pagpapalago ng kanilang kabuhayan at makapagbigay ng mas maraming oportunidad para sa mga komunidad sa Region 2.