Halos 200 Filipinos sa Los Angeles, California ang nawalan ng tahanan sa gitna ng matinding wildfires.
Sinabi ni Philippine Consul General sa Los Angeles Adelio Angelito Cruz, ang bilang ng Filipinos na naapektohan ng wildfires ay umaabot sa 191 at inaasahan na posibleng madagdagan pa sa susunod na mga araw.
Sa kabila nito, tiniyak ng opisyal na ligtas ang lahat ng apektadong Filipinos na lumikas sa evacuation centers sa LA county.
Ayon kay Cruz, lahat ng ating mga kababayan ay naaalagaan dahil sa bumubuhos ang mga tulong sa kanila tulad ng mga pagkain at iba’t ibang pangangailangan.
Sinabi pa ni Cruz na titignan ng mga opisyal ng bansa sa LA kung ang mga bahay ng mga Filipino na tinupok ng apoy ay kabilang sa housing insurance.
Idinagdag pa niya na umakyat na sa 26 ang naitatalang nasawi sa wildfires, subalit wala pang kumpirmasyon kung may fatalities na Filipinos.
Ayon sa kanya, hindi pa makapagbigay ng pahayag ang coroner’s office ng LA county dahil sa natupok ang mga bangkay at kailangan pa ang DNA test.
Sinabi niya na aabutin pa ng ilang linggo bago makapaglabas sila ng opisyal na listahan ng mga namatay sa sakuna.