Umaasa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Field Office II na magiging maayos na ang pamamahagi ng educational assistance para sa mga mag-aaral na nasa crisis situation sa susunod na Sabado.
Itoy matapos dagsain ng tinatayang labing-dalawang libong katao sa unang araw ng pamamahagi ng ayuda ang DSWD Field Office sa Tuguegarao City at SWAD offices nito sa bawat probinsiya.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Michael Gaspar, tagapagsalita ng DSWD-RO2 na ibababa na sa bawat munisipyo ang pamamahagi ng ayuda subalit nilinaw nito na kawani pa rin ng ahensya ang mamimili ng benepisaryo.
Sa ngayon ay nasa 4,580 na mag-aaral sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ang nabigyan sa unang bugso ng pamamahagi ng ayuda nitong Sabado.
Ayon kay Gaspar, katumbas ito ng P11.4 milyon kung saan pinakamalaking bilang ng nabigyan ay mula sa Regional Field Office sa Tuguegarao City para sa 1,370 benepisaryo o katumbas ng P3.6 milyon na ayuda.
Sa pay-out sa mga SWAD offices, sinabi ni Gaspar na ang lalawigan ng Quirino ay nabigyan na ang 1,256 benepisaryo o P3.1 milyon na ayuda; Nueva Vizcaya na may 1,090 o P2.3 milyon; Isabela na bagamat itinigil ang pamamahagi ng ayuda ng alas 11:00 ng umaga ay nasa 861 na benepisaryo o P1.8 milyon ang naibigay na ayuda.
Sa kabila naman ng pagdagsa ng mga nagnanais na makakuha ng ayuda sa mainland ay kabaligtaran naman ito sa lalawigan ng Batanes dahil tatlo lamang ang kumuha ng ayuda sa unang araw ng pamamahagi nito na nagkakahalaga ng P13,000.
Sa mga naabutan ng cut-off sa pila ngunit nakapagsumite ng aplikasyon ay antayin lamang ang tawag mula sa ahensya para sa schedule ng pay-out na maaaring makuha sa inyong munisipiyo.
Samantala, pinabulaanan ni Gaspar ang napaulat na isang buntis ang idineklarang dead on arrival sa ospital matapos mahimatay habang nakapila sa pay-out venue sa Ilagan City, Isabela.
Bagamat may mga nasaktan at nahimatay habang nakapila dahil sa init ng panahon ay kinumpirma ng Provincial Hospital na walang kaso ng buntis na isinugod sa pagamutan na nasawi sa Isabela.
Matatandaan na ang naturang balita ay nailathala sa isang Facebook page ng isang pampublikong paaralan sa Ilagan City.
Samantala, nilinaw rin ni Gaspar na hindi na kasama sa mabibigyan ng student cash assistance ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at ang mga iskolar ng gobyerno.
Batay sa inilatag na kwalipikasyon ni Sec. Erwin Tulfo, ang mga benepisaryo ay ang mga breadwinner, working student, ulila/inabandona na nakikitira sa kaanak, anak ng solo parent, walang trabaho ang mga magulang, anak ng ofws, anak ng biktima ng HIV, biktima ng pang-aabuso at biktima ng kalamidad o sakuna.
Ang ipamamahaging cash assistance ay nakadepende sa education level ng mga benepisyaryo kung saan P1,000 para sa elementary, P2,000 sa high school, P3,000 sa senior high school at P4,000 para sa college o vocational students.
Hanggang tatlong anak mula sa bawat pamilya ang maaaring tumanggap ng ayuda.
Maaaring kunin ng mga estudyante o ng kanilang mga magulang ang cash assistance, magdala lamang ng pruweba ng enrollment at isang valid ID ng mag-aaral at ID ng magulang.
Ang pamamahagi ng educational assistance ay gaganapin tuwing Sabado hanggang Setyembre 24.
Muli ring ipinaalala ni Gaspar sa mga magulang na huwag nang isama sa pay-out venue ang mga menor de edad na anak.