
Patuloy na mino-monitor ng Department of Education (DepEd) ang sitwasyon sa mga paaralan sa Mindanao kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa Sarangani at mga karatig-probinsya, kaninang umaga.
Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang DepEd sa mga regional at division offices upang beripikahin ang lawak ng pinsala sa mga paaralan.
Sa ngayon, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na ang Matanao National High School sa Davao del Sur ang pinakalabis na naapektuhan.
Ayon sa kalihim, ang nakita sa video na gumuhong gusali sa paaralan ay abandunado na matapos ang lindol noong 2019 o 2020.
Dahil dito, isinasagawa na rin ang rapid assessment sa iba pang paaralan upang matukoy ang anumang pinsala sa mga gusali at pasilidad, habang mahigpit na ipinatutupad ang safety inspection bago muling gamitin ang mga ito.
Samantala, tinatayang nasa 5,893 paaralan ang naapektuhan ng lindol batay sa initial monitoring data ng kagawaran.










