Muling lumakas ang malamig na amihan na nakakaapekto muli sa halos buong Luzon.
Ang pagbabalik ng shear line at patuloy na pamamayagpag ng easterlies naman ang magdudulot ng ilang malalakas na pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Matapos bahagyang humina kahapon, muling nakakaapekto ang 𝗔𝗠𝗜𝗛𝗔𝗡 (𝗡𝗢𝗥𝗧𝗛𝗘𝗔𝗦𝗧 𝗠𝗢𝗡𝗦𝗢𝗢𝗡) sa Northern at Central Luzon, kasama ang Metro Manila.
Halos maulap, mahangin, malamig, at may pabugsu-bugsong mahihinang pag-ulan, sa Cordillera Administrative Region, Nueva Vizcaya, at Batanes.
Muling nagbabalik ang 𝗦𝗛𝗘𝗔𝗥 𝗟𝗜𝗡𝗘 na magpapaulan ngayong araw sa silangang bahagi ng Luzon.
Inaasahan na magiging makulimlim at may pabugsu-bugsong mahina hanggang sa minsang malalakas na mga pag-ulan at pagbugso ng hangin sa Bicol Region, Cagayan, Isabela, Quirino, Aurora, Quezon, Oriental Mindoro, Marinduque, at Romblon.
Ang 𝗘𝗔𝗦𝗧𝗘𝗥𝗟𝗜𝗘𝗦 naman ang patuloy na nakakaapekto sa Visayas at Mindanao. Makulimlim at may pabugsu-bugsong mahina hanggang sa minsang malalakas na mga pag-ulan sa Eastern Visayas, Caraga, Davao Region, Sulu, at Tawi-Tawi.
Posibleng pinakaramdam ngayong umaga ang malamig na panahon sa Benguet na mas mababa sa 𝟭𝟱°𝗖 ang pinakamababang temperatura. Hanggang 𝟭𝟱-𝟮𝟬°𝗖 sa Ifugao, Mountain Province, Kalinga, Apayao, Abra, Batanes at Rizal.
Hindi man inaasahang ganoon kababa ang temperatura dito sa Tuguegarao City at nalalabing mga bahagi ng Northern Luzon, Central Luzon, at CALABARZON, ramdam pa rin ang pabugsu-bugsong malamig na hangin, lalo na tuwing gabi at umaga.
Posibleng bumaba pa ang mga temperatura sa mga susunod na araw dahil sa paglakas ng amihan.