
Posibleng nakakaapekto sa ilang bahagi ng National Capital Region, CALABARZON at MIMAROPA ang haze na maaaring may kaugnayan sa patuloy na mga sunog sa Kalimantan, Indonesia, ayon sa Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau o DENR-EMB.
Sa pinakahuling air quality monitoring ng EMB-NCR, ilang lugar sa Metro Manila ang nakapagtala ng mataas na antas ng polusyon sa hangin, kabilang ang mga lugar na nasa kategoryang “very unhealthy.”
Nasa 150 hanggang 200 ang Air Quality Index o AQI sa mga sumusunod na monitoring stations kabilang na ang Quezon City — Ateneo, ,Malabon, Mandaluyong, Manila, Marikina, Muntinlupa, Pasay, San Juan City, Taguig, Valenzuela.
Samantala, pinakamataas ang naitalang AQI sa Parañaque City, na umabot sa antas na “acutely unhealthy” o nasa 201 hanggang 300. Batay sa air quality classification, maaaring magkaroon ng masamang epekto sa kalusugan ang ganitong antas ng polusyon, kaya mahalagang limitahan ang matagal na pagkakalantad sa maruming hangin, lalo na para sa mga sensitibong indibidwal.
Patuloy namang mino-monitor ng DENR-EMB ang kalidad ng hangin sa pamamagitan ng mga air quality monitoring station upang matukoy ang lawak ng haze at ang posibleng epekto nito sa publiko.
Naglabas na rin ng Air Quality Advisory ang Quezon City government, partikular na para sa mga kabilang sa vulnerable groups gaya ng mga bata, senior citizen, buntis, at mga may karamdaman sa baga o puso. Pinapayuhan silang magsuot ng face mask bilang dagdag na proteksiyon.
Samantala, hinihikayat ang publiko na manatiling nakatutok sa mga susunod na abiso ng mga awtoridad kaugnay ng kalidad ng hangin at iba pang posibleng epekto ng haze.










