Ipapakilala ng BAN Toxics sa lungsod ng Tuguegarao at maging sa Region 2 ang kanilang national project na Healthcare Waste and Mercury Management sa mga healthcare facilities.
Sa kanilang pagbisita sa Bombo Radyo Tuguegarao, sinabi nina Thony Dizon, toxics campaigner at Jam Lorenzo, policy and research officer ng nasabing grupo na ang nasabing proyekto ay sa pakikipagtulungan ng Environment Management Bureau.
Sinabi ni Dizon na ang Tuguegarao, Region 2, Region 8 at National Capital Region ang napili nila para sa unang pagpapatupad ng nasabing proyekto dahil batay sa nakuha nilang mga datos, sa mga lugar ito marami ang healthcare waste na ang iba sa mga ito ay may mercury na delikado sa kalusugan at sa kapaligiran.
Ipinaliwanag niya na ang layunin ng proyekto ay para palakasin ang kapasidad ng healthcare facilities sa pangangasiwa sa mga healthcare o medical waste.
Samantala, sinabi naman ni Lorenzo na bukod sa nasabing hangarin ay nagsagawa rin sila ng monitoring sa mga beauty products sa Tuguegarao.
Ayon sa kanya, may nakita sila na mga produkto na may halong mercury o ipinagbabawal na mga sangkap sa ilang beauty products na kanilang ilalabas sa susunod na mga araw upang hindi na tangkilin ng mga mamimili ang mga ito.