Iimbestigahan ng Bureau of Customs (BOC) ang maraming customs officials na umano’y sangkot sa smuggling ng mga sigarilyo na nagkakahalaga ng P1.2 billion na nasamsam sa Batangas City noong bisperas ng Bagong Taon.

Ang imbestigasyon ay kasunod ng pagkakadiskubre sa 14 trailer trucks na lulan ang mga ipinuslit na mga sigarilyo sa container yard sa Sitio 5, Barangay Balete, Batangas Ciy.

Pinangunahan ng Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang operasyon.

Ipinag-utos ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ang mas malawak na imbestigasyon sa tumataas na cigarette smuggling at iba pang iligal na aktibidad.

Una rito, sinibak si Paul Oliver Pacunayen, Intelligence Officer III at dating chief of the Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) field station sa Port of Manila dahil sa nasabing operasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Isang empleyado ng customs na nakatalaga sa Port of Batangas ang tinukoy na pangunahing suspek.

Sinabi ng mga awtoridad na ang nasabing empleyado ang posibleng makakaturo sa mga matataas na opisyal na nagbigay ng pahintulot sa nasabing shipment, na hindi nakita sa operational systems ng BOC.

Una rito, iniulat ng PNP-HPG na ang asawa ng nasabing empleyado na isang babae ang umuupa sa container yard kung saan nakita ang mga sigarilyo.

Ayon sa report, ang lalaki ay may trucking business na regular na nagkakaroon ng transaksyon sa BOC, na nagbigay ng alalahanin na ginamit ang access sa customs operations sa smuggling ng mga sigarilyo.

Sinabi ng BOC na ang laki ng shipment ay nagpapakita ng posibleng pagkakasangkot ng senior officials, dahil ang cargo ay hindi nakita sa customs records.

Binanggit din sa imbestigasyon si CIIS Director Thomas Narcise at isang customs broker na dati nang natukoy noong 2022 sa Senate report na major smuggler.