
Mahigit ₱60 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasabat sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Pebrero 13, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa inilabas na pahayag, sinabi ng pulisya na na-flag ang bagahe ng isang German national sa NAIA Terminal 3 Customs International Arrival Area.
Sa masusing inspeksyon, nadiskubre ang mahigit walong kilo ng hinihinalang shabu na nakatago sa isang false compartment ng maleta.
Agad na inaresto ang suspek at kinumpiska ang kontrabando.
Samantala, apat na inbound parcels na naglalaman ng tinatayang 3.8 kilo ng hinihinalang marijuana mula Thailand at Canada ang nasabat din sa Central Mail Exchange Center at itinurn-over sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa tamang disposisyon.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng posibleng mga kasabwat sa Cavite, Kalinga, Pampanga, at iba pang lalawigan.
Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez, ang pagkakasabat ay patunay ng determinasyon ng mga tauhan ng PNP na sugpuin ang ilegal na droga at tiyakin ang seguridad ng mga hangganan ng bansa.










