
Pinagtibay ng Sandiganbayan ang hatol sa kasong graft laban sa walong dating mga opisyal ng Philippine National Police at personnel na sangkot sa P358 million “ghost” repairs at maintainance ng 28 police armored vehicles noong 2007.
Kasabay nito, pinawalang-sala ng Sandiganbayan Special Fourth Division ang isa sa respondents na si Henry Duque, matapos na matukoy na hindi siya kasama sa grupo na nagsabwatan sa nasabing katiwalian.
Sa 37 pahinang resolusyon, ibinasura ng korte ang motions for reconsideration na inihain ng walong akusado dahil sa kawalan ng merito.
Nitong buwan ng Disyembre, hinatulang guilty ng Fourth Division ang mga akusado kabilang si Duque at ibinaba ang hatol sa mga ito.
Hinatulang makulong ng anim hanggang 10 taong pagkakakulong sina Emmanuel Ojeda, Reuel Leverne Labrado, Josefina Dumanew, Analee Forro at Victor Puddao sa apat na bilang ng graft.
Ang mga ito ay dating mga opisyal ng bids and awards committee ng PNP Logistics Support Service (LSS).
Pagkakakulong ng 12 hanggang 20 taon naman ang hatol ng isa pang LSS officer na si Warliton Tubon, at isang civilian officer na si Eulito Fuentes para sa dalawang bilang ng graft, habang si Alex Barrameda, isang civilian employee, at si Duque, miyembro din ng BAC ay hinatulang makulong ng anim hanggang 10 taon para sa isang bilang ng graft.
Ipinunto ng Sandiganbayan na ang pinagsamasamang hakbang ng mga akusado ay nagpapakita ng kanilang nag-iisang layunin, na manipulahin ang proseso ng bidding sa pamamagitan ng nonpublication at kawalan ng material information para sa pag-imbita ng bidders.
Sa acquittal ni Duque, walang ebidensiya na nagdadawit sa kanya sa aktwal na bidding.
Ayon sa kanya, itinalaga siya bilang BAC member noong Oct. 2007 habang nangyari ang bidding noong Sept. 24, 2007.
Inatasan din ng Sandiganbayan ang mga akusado na magbayad ng P29.9 million at P53.9 million, at isa pang P29.9 million para kay Barrameda.









