Nakapagtapos ng elementarya at high school ang mahigit 10,000 persons deprived of liberty (PDLs) habang nasa loob ng piitan, ayon sa ulat ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Sa kabuuan, 10,739 PDLs ang nakumpleto ang kanilang basic education sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education, isang programang nagbibigay ng alternatibong paraan ng pag-aaral sa mga hindi nakatuntong o nakatapos ng pormal na edukasyon.

Ang programang ito ay ipinatutupad sa mga kulungan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) bilang bahagi ng rehabilitasyon ng mga bilanggo.

Maliban sa basic education, 107 PDLs rin ang nagtapos ng kolehiyo sa tulong ng Tertiary Education Behind Bars Program, isang inisyatiba kasama ang Commission on Higher Education (CHED).

Mayroon ding 720 PDLs na kasalukuyang naka-enroll sa iba’t ibang kurso.

-- ADVERTISEMENT --

Kwalipikado rin sa Time Allowance for Studying, Teaching, and Mentoring ang mga nakikilahok sa programa, alinsunod sa Republic Act No. 10592, na kinikilala ang pagsisikap ng mga PDLs na magbago at mapaunlad ang kanilang sarili sa kabila ng pagkakakulong.