
Mahigit 21,000 pulis ang ipapakalat ng Philippine National Police (PNP) bilang bahagi ng seguridad para sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Batasang Pambansa sa Quezon City ngayong araw.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., nakumpleto na nila ang security protocol at isinasagawa na lamang ang phased deployment ng mga pulis sa mga lugar na nangangailangan ng mas mahigpit na pagbabantay.
Sinabi pa ng PNP chief na handa ang kanilang hanay upang tiyakin ang seguridad ng mga opisyal, panauhin, at publiko habang isinasagawa ang SONA.
Pinayuhan naman niya ang mga pulis na panatilihin ang maximum tolerance sa kanilang tungkulin bukas.
Hiniling din niya sa mga grupong magsasagawa ng protesta na makipagtulungan sa mga awtoridad at sundin ang mga umiiral na patakaran upang mapanatili ang kaayusan.
Ayon pa sa PNP, wala silang namomonitor na seryosong banta sa seguridad na may kaugnayan sa SONA. Gayunpaman, nananatiling nakaalerto ang kapulisan upang agad tumugon sa anumang posibleng kaguluhan.
Naka-full alert status na rin ang hanay ng kapulisan sa Metro Manila. Magpapatupad din ng mas mahigpit na gun control measures ang PNP.
Samantala, magkakaroon din ng no-fly zone at no-drone zone sa ilang lugar, kabilang ang paligid ng Batasang Pambansa kung saan isasagawa ang talumpati ng Pangulo.
Tatlong grupo naman ang binigyan ng pahintulot ng Quezon City government na magsagawa ng mga rally sa Commonwealth Avenue: ang Bagong Alyansang Makabayan, Sanlakas, at Better Brighter.
Nanawagan ang PNP sa mga organizer ng mga protesta na bantayan ang kanilang hanay laban sa mga posibleng manggulo.
Iniutos din ng PNP chief sa lahat ng pulis na nakaatas sa seguridad ng SONA na gumamit ng body-worn cameras at iba pang recording equipment upang matiyak ang pagiging transparent sa kanilang mga operasyon.








