Aabot sa 5,438 na mga aplikante mula sa Region 2 ang nakatakdang sumabak sa Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT) sa darating na Linggo, Nobyembre 30, 2025, ayon sa Professional Regulation Commission (PRC) Region 2.

Ayon kay Regional Director Juan Alilam Jr., pinakamarami ay mula sa Tuguegarao City kung saan naitala ang 3,329 examinees. Sumunod naman ang Cauayan City na may 1,412, Bayombong, Nueva Vizcaya na may 629, at Batanes na may 68 examinees.

Matatandaang ang naturang pagsusulit ay orihinal na nakatakda noong Setyembre 21, ngunit ito’y na-postpone dahil sa pananalasa ng Bagyong Nando sa Regions 1, 2, at Cordillera Adinistrative region, na nagdulot ng panganib sa kaligtasan ng mga kukuha ng exam.

Bagaman na-reschedule, nilinaw ng PRC na mananatiling pareho ang mga assigned testing centers at orihinal na oras o schedule.

Tiniyak naman ng PRC na handa ang kanilang tanggapan sa maayos at ligtas na pagsasagawa ng pagsusulit at pinaalalahanan ang mga examinee na dumating nang maaga at sundin ang itinakdang guidelines.

-- ADVERTISEMENT --