
Mahigit 6.5 milyong mag-aaral ang naapektuhan ng suspensyon ng face-to-face classes sa walong rehiyon dahil sa pinagsamang epekto ng Tropical Cyclone Maymay at Habagat, ayon sa Department of Education o DepEd.
Batay sa datos ng DepEd hanggang alas-8 ng umaga nitong Agosto 10, umabot sa 6,517,252 learners at 288,967 personnel mula sa 10,029 pampublikong paaralan sa 61 school divisions ang saklaw ng suspensyon ng klase.
Pinakamaraming paaralan ang naapektuhan sa Central Luzon na may 3,546, sinundan ng Ilocos Region na may 2,428 at Cordillera Administrative Region na may 1,842. Mayroon ding 827 paaralan sa Metro Manila at 92 sa Cagayan Valley o Region 2.
Samantala, nasa 3,924 classrooms ang naiulat na nasira, kabilang ang 2,355 na may minor damage, 818 na may major damage at 751 na totally damaged.
May 52 paaralan din ang kasalukuyang ginagamit bilang evacuation centers, kung saan 239 classrooms ang nagsisilbing pansamantalang tuluyan ng 1,057 pamilya.
Naglaan ang DepEd ng mahigit ₱20.4 milyon para sa cleanup at clearing operations at mahigit ₱115.3 milyon para sa minor repairs ng mga classroom na napinsala. Patuloy din nitong minomonitor ang mga lugar na posibleng makaranas ng malakas na ulan, pagbaha at pagguho ng lupa.










