
Pansamantalang sinuspinde ang hiking activities sa Mount Pico de Loro at Mounts Palay-Palay/Mataas-na-Gulod Protected Landscape mula Agosto 21 hanggang Setyembre 12 upang bigyang-daan ang rehabilitasyon ng mga napinsalang bahagi ng lugar.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), nasira ang ilang bahagi ng protected landscape dahil sa mga pag-ulan dulot ng Habagat at mga nagdaang bagyo.
Kabilang sa isasagawa ang inspeksyon at maintenance ng mga hiking trail, paglilinis ng mga natumbang puno at iba pang sagabal, at iba pang kinakailangang hakbang para matiyak ang kaligtasan ng mga hiker.
Ang Mount Pico de Loro ay bahagi ng 3,972-ektaryang protected landscape, kasama ang Mounts Palay-Palay at Mataas-na-Gulod. Kilala ito sa summit nitong kahawig ng tuka ng loro at itinuturing na pinakamataas na bundok sa Cavite na may taas na 2,257 talampakan.
Muling binuksan sa publiko ang Pico de Loro noong Enero 2023 matapos ang anim na taong rehabilitation.










