Bigo ang kampo ni Cagayan Vice Governor Melvin Vargas Jr na makakuha ng Temporary Restraining Order (TRO) mula sa korte laban sa memorandum order ni Governor Manuel Mamba na nagpapawalang bisa sa kapangyarihan ng Vice Governor na kumuha ng mga Job Order Workers.
Sa inilabas na desisyon ng Regional Trial Court, hindi kailangan ang agarang paglalabas ng TRO habang nakabinbin pa ang desisyon ng korte sa kaso.
Dahil dito, sunod na hihintayin ang magiging pagdinig sa kasong isinampa laban kay Governor Mamba at ilang Department Heads sa hindi pagpapasahod sa mahigit 100 Job Orders sa Legislative Department.
Kabilang sa mga sinampahan ng kaso ay sina Atty. Maria Rosario Villaflor, Chief of Staff ni Gov. Mamba; Raynald Ramirez, OIC Assistant Provincial Budget Officer; Jeanna Consigna Garma bilang Provincial Accountant, Mila Mallonga bilang Acting Provincial Treasurer, at Virgillo Olangco bilang Human Resource Development Officer ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.
Samantala, iginiit ni Atty Vicente Lasam, legal officer ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na walang basehan ang kasong isinampa ng mga job orders sa pangunguna ng Bise gubernador dahil sa ilegal ang pagkuha sa mga ito.
Paliwanag ni Atty Lasam, hindi saklaw ng Bise-gubernador ang pag-hire ng mga job orders o pumasok sa kontrata dahil ang naturang kapangyarihan ay nasa kamay ng Gubernador.
Dagdag pa niya, maaari lamang mag-appoint ang Bise-gubernador sa mga nakuhang job orders.