Sinabi ng Malacañang na dadaan sa masusing pagsusuri at tamang proseso ang hiling ng pamahalaan ng Estados Unidos na ipa-extradite si Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy upang litisin sa Amerika kaugnay ng mga kasong sex trafficking, visa fraud, bulk cash smuggling, at iba pang reklamong isinampa laban sa kanya.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, mahalagang mapag-aralan at maresolba sa tamang panahon ang kahilingan upang matiyak ang hustisya para sa mga umano’y biktima at maging sa akusado. Kinumpirma naman ng Department of Foreign Affairs na natanggap na nito ang extradition request ng Estados Unidos at naipasa na ito sa Department of Justice.

Sinabi ni Castro na sisimulan ng Department of Justice sa Lunes, Agosto 10, ang pagsusuri sa mga dokumentong isinumite ng Department of Foreign Affairs. Si Quiboloy ay kasalukuyang nakakulong sa Pasig City Jail habang kinakaharap ang mga kasong paglabag sa Republic Act 7610 at qualified human trafficking sa Pilipinas.