
Ibinasura ng Korte Suprema ang kahilingan ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na atasan si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na magsumite ng kopya ng umano’y warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Desidido ang SC na hindi pagbigyan ang mosyon matapos ihain ni Dela Rosa ang kahilingan bilang tugon sa pahayag ni Remulla na mayroon umanong iniisyu ang ICC laban sa senador.
Bukod sa paghingi ng kopya, iginiit din ni Dela Rosa na pagpapaliwanagin sana si Remulla kung paano nito nakuha ang naturang dokumento at kung may awtoridad itong maglabas ng ganoong impormasyon.
Nagpetisyon din ang senador para sa isang temporary restraining order o injunction upang pigilan ang implementasyon ng sinasabing warrant. Inutusan naman ng SC ang mga respondent na magsumite ng kanilang komento sa loob ng 10 araw.
Sa panig ng kampo ni Dela Rosa, nananatili umanong walang kumpirmasyon mula sa ICC tungkol sa anumang kaso o warrant laban sa senador.
Inilalatag din ng kanyang abogado na walang umiiral na patakaran ang pamahalaan para maipasa ang sinumang Pilipino sa isang internasyonal na hukuman.









