Hindi bababa sa apat na Palestino ang nasawi sa panibagong airstrikes ng Israel sa Gaza nitong Linggo, sa kabila ng pahayag ni US President Donald Trump ng Estados Unidos na may naging malaking pag-usad sa pagpapatupad ng kasunduan sa tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Hamas. Ayon sa mga opisyal ng kalusugan sa Gaza, isinagawa ang magkakahiwalay na pag-atake sa Gaza City at Deir al-Balah na ikinasawi ng isang mag-asawa at dalawa pang sibilyan, kabilang ang isang bata.

Nauna nang sinabi ni Trump na pumayag ang Hamas na mag-disarma bilang bahagi ng isang inisyatibang suportado ng Estados Unidos upang maipatupad ang kasunduang naabot noong nakaraang taon sa Egypt. Gayunman, iginiit ng Hamas na isusuko lamang nito ang mga armas kapag tuluyang itinigil ng Israel ang operasyong militar at inalis ang mga puwersa nito sa Gaza, habang sinabi naman ng isang opisyal ng Israel na walang magiging pag-atras hangga’t walang tunay na pagdidisarma ang Hamas.

Samantala, nanawagan si Israeli National Security Minister Itamar Ben-Gvir na ipagpatuloy ng Israel ang operasyon laban sa mga lider ng Hamas. Sinabi rin ni dating Fatah official Mohammed Dahlan na nagpapatuloy ang pakikipag-ugnayan ng Estados Unidos sa magkabilang panig upang maisakatuparan ang kasunduan at matuldukan ang mga pag-atake sa Gaza.