
Iginiit ng kampo ni dating House Speaker Martin Romualdez na hindi na maaasahan ang mga pahayag ni Orly Guteza, dating bodyguard ni ex-Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, bago pa man nito bawiin ang kanyang testimonya.
Ayon sa kampo ni Romualdez, may mga isyu na sa unang affidavit ni Guteza matapos itong ideklarang huwad ng Manila Regional Trial Court noong Oktubre 2025. Lumabas umano sa korte na peke ang lagda ng notary public na nakasaad sa dokumento.
Binanggit din ng kampo ang mga pagtanggi noong Setyembre 2025 nina Mark Bunagan at Allan Colesio, mga dating aide at bodyguard ni Co na tinukoy ni Guteza bilang maaaring magpatunay sa kanyang mga alegasyon kaugnay ng umano’y paghahatid ng pera.
Samantala, iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman si Romualdez kaugnay ng mga alegasyon ng plunder, graft, bribery at money laundering na may kaugnayan sa flood control projects.
Gayunman, iginiit ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na hindi nangangahulugang nabura na ang dating pahayag ng mga nagbawi ng testimonya. Aniya, ikinukumpara lamang ng mga imbestigador ang naunang affidavit sa bagong salaysay, kaya maaari pa rin itong magsilbing karagdagang ebidensya.










