
Sinabi ni dating Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang na maaaring maging basehan ng pagtanggal o dismissal sa isang public official ang pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman, alinsunod sa umiiral na anti-corruption laws.
Nagpahayag si Tang bilang expert witness ng House prosecution sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, partikular sa usapin ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Civil Forfeiture Law at SALN.
Ayon kay Tang, sa ilalim ng Republic Act 1379, maaaring ipagpalagay na ilegal na nakuha ang isang ari-arian kung ito ay napatunayang hindi tugma sa suweldo at lehitimong kita ng isang opisyal.
Gayunman, nilinaw niyang rebuttable ang naturang presumption at hindi ito awtomatikong nangangahulugang guilty sa krimen ang isang opisyal. Maaari pa ring ipaliwanag ng opisyal kung paano legal na nakuha ang kaniyang mga ari-arian.







