
MANILA, Philippines — Umaabot na sa 500% ang itinaas ng sexually transmitted infection na Human immunodeficiency virus (HIV).
Ayon kay Department of Health Secretary Teodoro Herbosa, umaabot sa 40 hanggang 57 kaso ng HIV ang naitatala araw-araw.
Karamihan aniya sa nagkakaroon ng HIV sa ngayon ay mga kabataan na nasa 15 hanggang 25 taong gulang samantalang noong 2010 ay nasa pagitan ng 25 hanggang 35 taong gulang.
Ang pinakabatang naitala ayon kay Herbosa, ay 12 taong gulang na taga-Palawan.
Nakakaalarma aniya ang pagtaas ng kaso ng HIV lalo pa’t ang Pilipinas ang may pinakamaraming naitatala sa Western Pacific Region.
Idinagdag ni Herbosa na sa ngayon nasa 148,000 ang may HIV sa Pilipinas na posibleng madagdagan ng 26,000 taun-taon kung magpapatuloy ang naitatalang 56 cases a day.
Sinabi rin ni Herbosa na halos pareho rin ang transmission ng HIV at Mpox sa pamamagitan ng sexual contact.
Lumabas din na 95% ng mga bagong kaso ng HIV ay mga lalaki na nakipag-sex sa kapwa lalaki.
Kaugnay nito, umapela na ang DOH sa mga awtoridad na maideklarang isang national public health emergency ang HIV sa bansa.
Ayon kay Herbosa, ang mas malaking problema ng bansa sa ngayon na dapat tutukan ay hindi ang Mpox, kundi ang HIV dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso nito.