Nanawagan si Senator Risa Hontiveros nitong Martes, Enero 20, sa Department of Foreign Affairs (DFA) na aksyunan ang public attacks ng Chinese Embassy laban sa mga opisyal ng Pilipinas na nagtatanggol sa West Philippine Sea.

Itinuro ni Hontiveros ang isang social media post ng Chinese Embassy na pumuna kay Commodore Jay Tariela, na kilalang tagapagtanggol ng Pilipinas sa West Philippine Sea dispute.

Sa kanyang liham kay DFA Secretary Ma. Theresa P. Lazaro, tinanong ng senador kung ano ang plano ng ahensya upang siguraduhing igalang ng mga dayuhang embahada ang diplomatic conduct at huwag tutukan o siraan ang mga opisyal ng Pilipinas.

Aniya, binabastos na nga ng Tsina ang ating karagatan, binabastos pa ang mga opisyal natin.

Idinagdag niya na hindi dapat hayaan ang embahada ng Tsina, o anumang embahada, na siraan ang mga public servants na nagtatanggol ng ating karapatan.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ni Hontiveros na ang dispute sa pagitan ng mga bansa ay dapat lutasin sa diplomatic channels, at hindi sa public pressure campaigns laban sa indibidwal na opisyal.

Binalaan niya rin na kung palalampasin ang ganitong aksyon, maaaring ma-normalize ang foreign interference, at mabawasan ang dignidad ng mga institusyon at kaligtasan ng mga opisyal.

Aniya pa, masyadong pa-victim ang Chinese Embassy.

Pinanatili ng senador na magpapatuloy ang mga Filipino public servants sa pagsasabi ng katotohanan, kahit na makasakit ito sa “fragile egos” ng Tsina.